Friday, October 30, 2009
Tintahan
May kasabihan ang mga tattoo artist na "think before you ink".
Think? As in pag-isipan?.. Oo!
Pag-isipan sa paanong paraan?
Una. Pumili ng disenyo na akma sa panlasa o hilig ng pagkatao mo. Tandaan mo, habang buhay mong dala ang "tats" mo. Ayaw mo naman siguro ng tattoo na after a while ay pagsasawaan mo at sasabihin mong "hindi ko pala gusto tong design na to". Sa pagpili ng disenyo, maaaring portrait o imahe ng taong mahal mo sa buhay. Maaari din ang disenyo ng isang simbolo na nagsasabi ng pagkatao mo o ng tungkol sa iyo. Pwede mo din i-consider ang pagpapalagay ng motto mo o ng paniniwala o kasabihan mo sa buhay. Sa ganoong paraan, yung "ownership" ng tattoo mo ay makukuha mo.
Ikalawa. Kung may disenyo ka na, pumili ng artist na maaasahan. Maaasahan in a way na: Malinis gumawa. Magaling gumawa. At syempre, murang gumawa. Ang maipapayo ko ay pumili ng artist na may sertipikasyon galing Department of Health, na naggagarantiya ng kalinisan ng gamit ng artist. Upang maproteksyunan ka sa mga sakit gaya ng HIV, Hepatitis, at iba pa. Mairerekomenda ko sa inyo si Dyun (multiply, flicker, dyuntats.com) isang professional tattoo artist.
Ikatlo. Kung nakakuha ka na ng disenyo at ng artist, oras na para tattooan ka. Kaya mo ba ang sakit? Sa proseso ng pagta-tattoo, una ay ang tinatawag nilang "lining", ito ay kung saan nililinyahan na ng artist ang outer line ng disenyo gamit ang tattoo machine at tattoo needle na tinatawag nilang "round liner", ito ay gawa sa 3 hanggang 5 karayom. Sa puntong ito, ang sakit na mararamdaman mo ay katulad halos ng pakiramdam ng parang hinihiwa, dahil linya lang ang ginagawa dito, kung kaya't "gumuguhit" sa balat mo ang karayom. Matapos ang lining, isusunod ang "shading", dito ay kukulayan na ang tattoo mo. Karaniwan ang gamit sa shading ay yung tinatawag nilang "flat, magnum, round shader", ito ay gawa sa 4 hanggang sa 16 na pirasong karayom. Ang sakit sa pagkakataong ito ay hindi na kasing sakit ng sa lining. Dahil malapad na ang karayom, kung kaya't para ka na lang hinahagod sa pagkakataong ito.
Ikaapat. Matapos kang tattooan, kasunod na nito ay ang responsibilidad mo na alagaan ang bago mong "ink". Nasa pagaalaga ng tattoo ang ikagaganda ng kulay ng iyong tattoo kapag gumaling na. Sa bagong tattoo, pinapayuhan na wag munang magbabad sa dagat o sa tubig sa loob ng 3 linggo, dahil ito ang panahon na kung saan nagpepenetrate pa sa balat ang tinta ng tattoo. Pinapayuhan din na bawal ang direktang pagtapat ng tattoo sa sinag ng araw. At para mas mabilis gumaling ang tattoo, pinapayuhan na hugasan ito ng 1 beses sa 1 araw at lagyan ng antiseptic 2 hanggang 3 beses sa 1 araw sa loob ng 2 linggo. Ang ginamit ko noon ay Vandol ointment.
Tandaan: "Walang hardcore at mabangis, sa karayom na matulis"
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment